Tagalog Serye: Unang Yugto ng Ikatlong Pangkat
Mapagpalang gabi po sainyong lahat! Narito po ang simula ng aming kwentong dugtungan sa #tagalogserye ng paligsahan na patimpalak nila Toto at Jun-jun na nagtatago sa likod ng @tagalogtrail para sa Ikatlong Pangkat.
...Nagulat Si Leo sa kaniyang nakita. Kinusot-kusot pa ang kaniyang mga mata mula sa pagkakatulog niya bago siya naalimpungatan. Nakita niya ang kaniyang Ina na nasa bandang paanan niya. Nagniningning ang damit nitong puting-puti. Habang nakatayo ito sa kaniyang paanan, may inaabot ito sa kaniyang "Aklat".
"Sir Leo... Sir Leo..." naririnig niyang may tumatawag sa kaniya.
Bigla siyang napabalikwas! Isang panaginip! Ano ang Aklat inaabot ng kaniyang Ina sa kaniya? Bakit ngayon lamang ito muling dumalaw sa kaniyang panaginip? Mag-iisang taon ng huli niyang nakita sa kaniyang panaginip ang kaniyang Ina at kailanman ang kaniyang Ama ay hindi man lamang nadalaw sa kaniyang panaginip.
Mula ng sila ay maaksidente sa sasakyan ng kaniyang mga magulang, labing limang taong gulang siya noon ng mangyari iyon, ngayon ay bente singko anyos na siya. Mas naging tahimik siya simula noon dahil nung mga oras na nakita niya ang kanyang mga magulang na duguan, may tila mga usok na itim na pumasok sa mga katawan ng mga ito at agad ring lumabas na may kasama namang mga puting usok. Naisip niyang baka ito yung mga tinatawag ng mga matatanda na "sundo". Pero hindi siya sigurado sa bagay na yun dahil noon lamang siya nakasaksi ng ganoong klaseng pangyayari. Hindi niya lubos maisip na sa isang iglap mawawalan siya ng mga magulang at iniwanan siya ng mga tanong na hindi nya mahanap ang kasagutan. Ano ang mga usok na nakita niya? May kaugnayan kaya ito sa kaniyang mga magulang? Bakit kinuha ng mga ito ang kaluluwa o ispirito ng kanyang mga magulang? At ngayon, nadagdagan nanaman ang kaniyang katanungan dahil nagpakita ang kaniyang Ina na may aklat na ibinibigay sa kaniya. Naninirahan pa rin siya sa kanilang bahay. Binubuhay na niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng negosyo na naiwan ng kaniyang mga magulang, may 3 mga tindahan ng tubig ang kaniyang mga magulang.
"Sir Leo, ginising na kita, nakatulog ka na rito sa sala, kanina ka pa umuungol eh" paliwanag ng kanilang kasambahay na parang ina na rin niya sa tagal ng paninilbihan nito sa kanila. Ito lamang ang kaniyang kasama sa bahay na iyon, ito na rin ang nagpalaki sa kaniya dahil wala silang alam na Pamilya ng kaniyang mga magulang.
Hanggang bago matulog nag-iisip siya tungkol sa librong iniaabot ng kaniyang Ina sa kaniyang panaginip. Maya-maya pa'y nakatulog na siya...
"Anak, tanggapin mo ang aklat na ito. Narito lahat ang mga sagot sa lahat ng iyong mga katanungan" sabi ng kaniyang Ina.
Inabot niya iyon sa kaniyang panaginip, matapos niyang mahawakan ang aklat ay bigla siyang parang nahulog sa malalim na malalim na dako pa roon...
Pagmulat ng kaniyang mga mata natunghayan niya ang kaniyang paligid ay puro puno! Para itong paraiso, marami rin siyang naririnig na mga huni ng mga ibon at ng iba pang mga hayop. Tumayo siya at pinagmasdan ang kapaligiran. Napakaganda nito na para bang napapanood niya lamang sa telebisyon!
"Leo..." malambing na tinig na nagmumula sa bandang likod ng isang malaking puno.
Sinundan niya ang tinig na iyon. Pagkarating niya sa likod ng puno ay may isang sapa na ang tubig ay parang kristal sa sobrang linaw nito.
Nakita niyang may isang babaeng nakatalikod at ito'y may pakpak! Kulay berde ang damit nitong mahaba na sumasabay sa pag-galaw ng tubig na mala-kristal at tagusan (transparent) ang kulay ng pakpak nito.
Bigla itong humarap, nagtama ang kanilang mga mata. May tila kung anung mahika ang bumighani sa kanya ng kagandahan nito.
"Kamusta ka Leo?" tanong nito sa kaniya.
"M-ma-mabuti naman" natataranta niyang tugon rito.
"N-nasaan ako?" tanong din niya rito.
"Narito ka kung saan ang mga gumugulo sa iyong isipan ay matutugunan" sabi ng babae na tila isang Diwata.
"Sa aking pagkakatanda ay natutulog na ako sa aking kwarto at nakita ko ang aking Ina na may inaabot sa aking aklat. Nang abutin ko iyon pagdilat ng aking mga mata ay narito na ako" mahaba niyang paliwanag sa Diwatang may pakpak.
"Oo alam ko at alam ko rin na iniisip mong hindi totoo ang lahat ng ito, na ito'y parte lamang ng iyong panaginip... Ngunit lahat ng ito'y totoo Leo" salaysay nito habang marahang lumalapit sa kaniyang kinatatayuan.
"Ako nga pala Si Ashera, isang mabuting kaibigan ng iyong mga magulang" patuloy na paliwanag nito.
"Halika at maupo tayo sa batong ito, ipaliliwanag ko ang lahat sa iyo" sabi nito na hinihikayat siyang maupo.
"Ang iyong mga magulang ay hindi tao. Katulad ko ang iyong Ina, siya rin ay diwata na katulad ko. Ang iyong Ama naman ay mula sa ibang elemento na kung saan hindi maaaring umibig ang mga Diwata sa mga ito. Simula ng mag-ibigan ang iyong mga magulang, madalas na silang nagkikita at nagnanakaw ng sandali. Ngunit ang pag-iibigan ng dalawa ay isang malaking kasalanan. Nagbunga ang kanilang pag-iibigan at ikaw 'yon Leo. Sa takot ng iyong mga magulang, tumakas sila at nagpakalayo-layo. Pumunta sa mundo ng mga tao. Upang doon ka ipanganak at palakihin. Kinalimutan nila ang kanilang pinagmulan. Ngunit ang kapatid ng iyong Ama na si Alvaro ay hindi tumigil sa paghahanap sa kaniyang kapatid dahil simula ng nawala ang iyong Ama sa kanilang kaharian, nanghina ang kanilang Reyna at Hari. Na naging dahilan na rin ng pagkamatay ng mga ito. Mabuti rin sila, mababait, ngunit hindi na Si Alvaro. Dahil simula ng mamatay ang kanilang Hari at Reyna nag-iba ito bigla. Galit na galit ito sa iyong Ama" mahabang salaysay Ni Ashera kay Leo.
"Kaya pala walang kamag-anak ang aking mga magulang. Pulos kapitbahay lamang at mga kaibigan ang pumunta ng sila ay inilamay" sambit niya sa Diwata na tila naiintindihan na niya ang mga nangyayari....
"Pero bakit ngayon ko lamang nalaman ang mga ito?" tanong niya sa Diwata.
"May mga bagay Leo na kailangan ng tamang panahon upang maungkat muli ang mga nakalipas na kailangan magkaroon ng linaw" palaisipang tugon nito.
Habang nag-uusap ang dalawa, hindi nila napapansin na may mga matang matatalim na nakatingin sa kanila, tila nagmamatyag sa kanilang pinag uusapan. Nagbabaga ang mga mata nito dahil narito ang Anak ng kaniyang kapatid upang alamin ang nangyayaring misteryo sa kaniyang mga magulang...
"Paano ka nakarating rito Leo? Hindi mo na muli pang makikita ang iyong mga magulang. Hindi na sila muli pang babalik sa mundo ng mga tao lalo na ang iyong Ama! Hindi ko pa rin matatanggap ang iyong Ina para sa aking kapatid!! Kailangan nilang magkalayo at hindi na muli pang magkatagpo, ganun rin ang nararapat sayo!" sa isip-isip Ni Alvaro na kahit mahabang panahon ang lumipas ay hindi niya matatanggap ang nangyaring kataksilan ng kaniyang kapatid sa kanilang lahi at ang nangyari sa kanilang mga magulang...
ang ganda ng kwento. Kailangan ng hustisya ng kadugotng nito.
hahaha'... pakibigyan na lang ng hustisya san @beyonddisability!
haha exciting mukhang mala encantadia ang kwento ngayon ha. Nice ang ganda ng umpisa ng ikatlong pangkat.
Leo at Ashera wow! bagong labteam
Hahaha'... salamat po Toto ^_^ Inisip ko kasi kung pano ko ba magagamit lahat ng mga gagamitin sa kwento katuad ng Libro, Time Machine at Pakpak...
Magandang setup Julie. Ramdam na ang misteryo :D
Maraming salamat po @jazzhero! Pinaramdam ko na agad ung tema ng kwento.
Ang ganda ng kwento @julie26 binoto ko na ito agad, kung sakaling manalo ito at mapili papalitan ko ang boto ng mas malaki ng bahagya. :D
Maraming salamat sa pagsuporta @steemph.antipolo! Sana nga ang aming pangkat naman ang manalo, hahaha'...
Jusko 'tong si Salvaro este Alvaro, hindi na lang matahimik. Binigyan pa tuloy kami ng problema. Charot. Hahahah. Kababasa ko lang ng kwento natin at magma-marathon pa ako sa pagbabasa. Lalong sumakit ang ulo ko. Hehehehe