Friend Request

in #tagalogtrail6 years ago (edited)

"Para makarecruit kayo mag-add friend kayo araw-araw. Yung mga friend request sa inyo pag-aaccept nyo na rin. Prospect lahat yan. Malay mo mag-join!", ang masugid na payo ni Upline.

Tulala pa rin siya sa harap ng laptop. Patda ang hinagap sa isang pangalang pamilyar: Irene Mendoza Sarmiento. Katapat ng pangalan ang mga salitang confirm at delete. Mga salitang siya ay dinedemonyo. Bumubulong ang mga ito sa kanyang tainga. Halo-halo. Sabay-sabay. May kani-kanyang sinasabi ang mga letrang humabi ng sarili nitong kahulugan. Gumuguhit sa kanyang balintataw ang maaaring kahinatnan alinman sa mga grupo ng salitang ito ang pillin nya.

Buntong-hininga. Kinakapos sya sa hangin na tila nasa loob ng isang kahon na walang anumang butas. Kulob. Nakakulong. Naglalaro sa kanyang isipan kung ano ang una nyang ibubungad na pagbati. Kaswal ba? Nasasabik? Nagulat? Dapat ba yung cool? o gaya lang ng dati?

Ah! magulo. Tila mga kotseng sabay-sabay na nagbubusina dahil naipit sa mahabang trapik sa gitna ng tanghaling tapat ang mga ilusyon na naglalakbay sa kanyang isipan.


Confirm o Delete


Dear Mr Genius,
Lagpas one year na tayo. At, sa loob ng isang taon na ito pagod na ako na ako na lang ang laging nag-eeffort sa relasyon natin. Talong buwan ka ng hindi nagpaparamdam. Tumatawag ako sa inyo pero not in service. Nalaman ko pa sa pinsan mo na ayaw mong dalawin kita sa inyo kasi magagalit ka. Sabihin mo lang sa akin kung mayroon ng iba. Maiintindihan ko naman. Kagaya nga ng sinabi mo ng huli nating pag-uusap masyado pa tayong bata. Magpokus muna tayo sa pag-aaral. Relax lang tayo at sabay tayong mangarap.

Nasaan na yung mga sinabi mo. Ako lang yung nangangarap mag -isa para sa atin. Sabi mo sabay tayong tatanda. Sabi mo iisang eskwelahan lang papasukan natin sa college. Kung gusto mo magpokus sa pag-aaral at pangarap mo maiintindihan ko naman eh. Pero yung hindi ka nagpaparamdam iba na yon.
I am sorry Mr Genius pero pagod na ako. Makikipagbreak na ako sa iyo. Wala akong iba. Baka ikaw meron na. Napagod lang ako na ako lang ang nagtataguyod ng relasyon natin. Sana matupad mo mga pangarap mo. Happy Birthday to you.

Love and Goodbye,
Ms. Pretty Smile
Oct 19, 1998

Nagsimula siyang magpiano sa lamesa kahit wala namang tinitipang nota. Nagsimulang umalon ang mga daliri sa himig na siya lang ang nakakabatid. Muli niyang binuksan ang isa pang sulat gawa sa intermediate paper.

My Pretty Smile,
Today I set you free. You deserve someone better than me. Hindi ikaw ang may problema kundi ako. Patawad kung di kita nabigyan ng oras. Sadyang marami lang akong ginagawa.
Bata pa tayo para seryosohin ang love. Marami pang pwedeng mangyari sa atin. Pero walang isang saglit na kinalimutan kita. Bahagi ka ng buhay ko. Pero hindi pa ito ang tamang oras. May tamang panahon. Yung kapag magdedate tayo ako na yung gagastos. Kapag monthsarry natin ako na yung magreregalo. Yung hindi na ako mahihiyang pumunta sa bahay nyo kasi may ipagmamalaki na ako. Hindi pa ito ang tamang oras. Magkahiwalay man tayo ngayon, ngayon lang ito. Babalikan kita. Intayin mo ako.

Love You Forever,
Your Mr. Genius
Oct 20, 1998

Nagsimulang lumamlam ang kanyang mukha. Ang sulat na matagal niyang itinago ay nagsimulang malukot sa nagkukuyom niyang kamao. Ito ang liham na kanyang sinulat sa loob ng ospital maraming taon na ang lumipas. Ngunit hindi na nakarating pa kay Irene Mendoza. Mendoza pa ang apelyido nya noon.

Katahimikan. Dilat ang kanyang mata sa kabila ng nakasisilaw na sinag ng laptop. Walang kurap.
Confirm. Delete. Kusang gumalaw ang kanyang palad na nakayakap sa mouse na kanina pa niya hinihimas. Kusang tinipa nito ang pangalan. Tumambad sa kanya ang timeline. Kusang gumalaw ang kanyang gitnang daliri at sinimulang sipatin ang gitnang bahagi... ang bilog at sinimulan itong paikutin ng kanyang hintuturo. Scrolling down.

Hindi nagbago ang kanyang mukha. Sya pa rin si Ms Pretty Smile o mas mabuting sabihin na Mrs Pretty Smile. Ang mga ngiti sa kanyang larawan ay tunay, tumatagos ito sa diwa at napipinta sa isipan. Ang biloy ay singlalim ng balon na nakabibighani kaalinsabay ng mapuputi at pantay-pantay na ngipin. Ang malarosas na labi ay muling nagpaalala ng unang halik.
"Ikaw nga talaga si Pretty Smile".

Makalipas ang ilang minuto, nagpakawala siya ng isang buo at malakas na buga ng hangin. Ngumiti. "Buti nakabalik na ang "pretty smile" kahit hindi na ako ang dahilan nito. Bakit mo pa ba ako hinanap? Maayos at asensado na ang buhay mo. Nariyan ka na pala sa Australia at may sarli ng pamilya. Masaya ako para sa'yo", wika nya sa kanyang sarili.

Sa di mawaring dahilan, nagsimula siyang makaramdam ng kapayapaan. Siguro ganun talaga kapag alam mong nasa maayos siya... masaya sa kabila ng sakit na dinulot mo sa kanya. Ang daluyong ng mga bulong ay nagsimula nang humina. Ang mga malapalengkeng ingay ng mga simbuyo ay unti-unti ng luminaw. Naririnig na nya ang tamang tinig. Nag-uutos ito ng nararapat niyang gawin.

Gumalaw muli ang mouse. Ang malaking titik "I" ay naging pana. Kung dati ang pana na ito ang nagbigay kulay sa kanyang kabataan, ngayon wawakasan nito ang alaala ng nakaraan. Walang pag-aalinlangan. Buo ang loob. Naririnig niyang sumisigaw ang isang katipunero sa isang eksena na tanging mga paningin lamang niya ang nakakasaksi. "Punitin ang sedula. KALAYAAAANNNN!"

"Delete".

223.jpg

bilang ng salitang ginamit: 881

Sort:  

Anh ganda nito bes! Nanunuot sa kalooban ang bawat salita. Nadurog ang puso ko para sa kanya. Pero masaya ako na nakalaya na siya.
Iiiwan ko na lang kay ate @jemzem ang "Komento ng Hurado" portion. Hehe

Congratulations! This post has been upvoted from the communal account, @minnowsupport, by BeyondDisability from the Minnow Support Project. It's a witness project run by aggroed, ausbitbank, teamsteem, someguy123, neoxian, followbtcnews, and netuoso. The goal is to help Steemit grow by supporting Minnows. Please find us at the Peace, Abundance, and Liberty Network (PALnet) Discord Channel. It's a completely public and open space to all members of the Steemit community who voluntarily choose to be there.

If you would like to delegate to the Minnow Support Project you can do so by clicking on the following links: 50SP, 100SP, 250SP, 500SP, 1000SP, 5000SP.
Be sure to leave at least 50SP undelegated on your account.

BD Boom, ang ganda ng iyong likha. Nagustuhan ko na naririnig ko ang mga salita habang binabasa ko ito nang dahil sa ritmo, tiempo at empasis sa mga salita.

Bukod pa dyan, naipinta mo nang matagumpay ang isang kumpletong larawan - naitampok mo talaga dito ang emosyon. Good job din du'n sa pagkakaiba ng timpla ng salaysay at dalawang sulat. Marahil ang makukumento ko lang ay mas pag-ibayuhin pa ang personalidad sa likod ng mga sulat para mas umangan ang indibidwal na karakter.

maraming salamat po boss @jazzhero. Isasabuhay ko po ang inyong payo


Ibinahagi ang lathalang ito sa #pilipinas channel para sa mga curator ng Curation Collective Discord Community, binigyan ng upvote at ni-resteem ng @c-squared na account pagkatapos ng manu-manong pagsusuri.
This post was shared in the #pilipinas channel in the Curation Collective Discord community for curators, and upvoted and resteemed by the @c-squared community account after manual review.

Coin Marketplace

STEEM 0.36
TRX 0.12
JST 0.039
BTC 70223.87
ETH 3561.28
USDT 1.00
SBD 4.73