Pining Milyonarya

in #tagalogtrail6 years ago

image

"Ate! Gising na! Mayaman na tayo!" Napabalikwas sa kama si Pining nang dahil sa pambubulahaw ng kapatid. Pupungas-pungas pa siya habang nakaupo, sinilip ang alarm clock. 6:55AM. Parang nang-aasar pa ang kulay pulang numerong nakadisplay sa maliit na screen nito. Kinusot-kusot niya ang mga mata habang humihikab at nag-iinat. "Ano ba yun, Miling? Sayang yung 5 minutes na tulog o." Hindi sumagot ang kapatid. Bagkus ay ngiting-ngiting itinapat sa mukha niya ang isang pirasong papel na may mga numero. Kinuha niya ang papel, tiningnan ito at tiningnan muli ang kapatid. Ngayon ay may hawak itong dyaryo, hindi mawari sa hitsura nito kung naiihi o pinipilipit sa sakit. "Ano ba kasi 'yon?" Malapit na siyang mairita dahil tinatamad pa siyang bumangon. Balak niyang pindutin nang pindutun ang snooze button ng alarm clock hanggang sa maisip niyang kailangan niya palang pumasok sa trabaho dahil marami silang bayarin.

Sa totoo lang ay nawawalan na siya ng ganang magtrabaho dahil sa boss niya. Kahapon ay pinaulanan siya nito ng sermon dahil hindi niya naibigay dito ang files na kailangan nito, na kung tutuusin ay kayang kaya nitong makuha mula sa database nila. "Minsan pakiramdam ko kaya niya lang ako tunanggap para may sasalo ng lahat ng frustrations niya sa buhay. Palibhasa wala nang lovelife, wala pang friendships!" Hindi niya na napigilan ang sarili niyang mag-rant sa kaopisina.


Pinagkunan

"Kung hindi lang kami nabaon sa utang noong na-stroke at naospital ang itay at kung hindi lang ako naaawa dahil halos mabukbok na ang mga kamay ng inay sa paglalabada, magreresign na talaga ako at maghahanap ng ibang trabaho, naluluha luha pa siya habang naglalabas ng sentimiyento.

"Ate! Tingnan mo kasing maigi! Sabi ko sayo, swerte kapag kasama mo akong tumaya eh! Magbihis ka na, dali! Lakarin na natin agad!" Inirapan niya pa ang kapatid bago tinitigan maigi ang diyaryo. Nanlaki ang mga mata niya nang mapagtanto ang tinutukoy ng kapatid.

"Eeeeeeeee! Nagtatatalon siya at niyakap ang kapatid. Tumatalon-talon pa silang magkapatid habang magkayakap nang abutan sila ni aling Caring. "Anong nangyari, Pining? Napano ka?" Pinapahid pa nito ang mga kamay na puno ng bula ng sabon sa damit. Napatakbo ito papasok ng bahay nang marinig ang pagtili ng panganay. "Mayaman na tayo inay!" Hindi pa rin nauunawaan ng matanda ang nangyayari. *"Nanalo sa Lotto si Ate!" At hinatak na rin nila ang ina para isali sa pagtalon habang magkakayakap silang tatlo. "Mayaman na tayo? Mayaman na tayo!" At napuno ng tuwa ang kwarto ng magkapatid.

"Magbibihis lang ako ate. Sasama ako sa PCSO. Niresearch ko na kung paano natin kukunin yung premyo! Tapos magpupunta tayo sa bangko. Tapos magpupunta tayo sa ospital, babayaran natin yung natitira pa nating utang. Tapos bibili na rin ako ng pinakamabisang gamot para kay Itay para makalakad na ulit siya. Tapos pupunta tayo sa mall, ibibili natin si Inay at Itay ng magagarang damit. Tapos bibili tayo ng kotse para hindi na tayo mag-jeep pauwi. Tapos bibili tayo ng tatlong bahay. Isa sayo, isa sa akin, isa kina Inay at Itay," tuloy-tuloy na salita ni Miling. "Napagplanuhan mo na talaga lahat?" Natatawa ngunit excited na rin si Pining. *"Oo naman ate! Ipinanalangin ko talaga ito."

image
Pinagkunan

Habang paalis sila ay nagtext siya sa boss niya. "Boss, hindi po ako makakapasok ngayon. May kailangan po akong lakarin na importante." Sigurado siyang nanggagalaiti ito dahil mat kliyente sila ngayon. Panigurado ay sesermunan at masisigawan na naman siya nito pagbalik niya. Edi magreresign ako! Itinaas niya ang noo at abot tenga ang ngiti habang naglalakad silang magkapatid papunta sa sakayan. Milyonarya na siya ngayon. Wala nang makapang-aapi sa kanila.

OTW to PCSO
*feeling milyonarya with Mila Garcia.
#piningmilyonarya

Nag-status pa siya sa FB. At itinabi niya na ang cellphone. Nagpaalam na sila sa ina. Hindi na nito magawang tapusin ang sinimulang labahin dahil sa sobrang excitement. Kinausap nito ang kanilang ama. "Narinig mo ba ang pinag-uusapan ng dalawa mong anak? Aasikasuhin nila ang mga bayarin natin sa ospital. Makakabili na rin tayo ng mga gamot mo. Maipapa-physical therapy ka na rin. Bubuti na ang kalagayan natin," nakangiti ito sa asawa habang hawak ang kamay nitong paralisado nang dahil sa sakit. Bahagyang kumislot ang isang daliri nito.

Halos buong araw na nilakad ng magkapatid ang mga kailangang gawin. Inisa-isa nga nila ang lahat ng mga hiling ni Miling. Unang una na nilang binili ang kotse. Nagulat pa siya dahil marunong ang kaniyang kapatid mag-drive at may lisensiya ito. "Tinuruan ako ng katropa ko ate. Tsaka pangarap ko naman kasi talaga magka-kotse. Kailangan paniwalaan kong matutupad iyon. At dapat, paunti-unti ay gawan ko ng paraan para maabot iyon, diba? Kaya inaral ko na magmaneho. Dahil alam ko, isang araw, magkakaron tayo ng kotse! At ngayon ang araw na iyon!" Natutuwa siya sa positibong pananaw ng kaniyang kapatid.


Pinagkunan

Pagkatapos ay nagtungo na sila sa bangko. Nagbukas silang dalawa ng account. Nagpunta sila sa mall kung saan ay may nakita silang mga nakapwestong nagbebenta ng bahay at lupa. Nagtingin sila ng mga binebenta. Humanap sila ng magkakatabing mga lupa. Nagpaschedule sila ng tripping. Bukas ng umaga ay magpupunta sila sa Antipolo para tingnan ang lupa. Tuwang tuwa ang agent dahil sinabi nilang tatlong lupa ang bibilhin nila. At tuwang tuwa rin siya dahil dalawa sa pangarap niya ay natupad niya na sa loob lamang ng isang araw.

Dahil malapit lang din ang ospital ay dumeretso na sila roon. Malaki-laki pa ang utang nila sa ospital pero parang barya lang ito sa laki ng napanalunan nila. Bumili na rin sila ng mga gamot ng ama. Dati ay paghihirapan pa niyang pagtrabahuhan ang perang ipangbibili niya ng isang linggong gamutan ng ama. Ngayon ay bumili na siya ng marami at may pambayad na rin siya pati sa therapist at sa personal na tagapag-alaga ng kaniyang ama. Nang malaman ng ospital na may pambayad sila ay nagrekomenda ang mga ito ng Personal Nurse para alagaan ang kaniyang ama. Money talks nga naman. "Ang sarap ng ganitong buhay. Sana ay tuluyan nang gumaling si Itay."

Gabi na nang makabalik sila sa bahay. Binilhan niya ng tig-isang Asus phones ang mga magulang para naman kahit nasa labas silang magkapatid ay matext at matawagan sila ng mga ito. May mga binili rin siyang mga bagong damit para sa ama. Malaki ang ipinayat nito mula nang magkasakit. Ang kanyang ina naman ay puro luma at kupas na ang mga damit na isinusuot. Bumili rin siya bagong sapatos at tsinelas para sa mga magulang. Isasama niya ang mga ito bukas para tingnan ang kukunin nilang lupa. Ililibre niya na rin ng sine at kakain sila sa restawran bago sila pumunta sa hotel. Dati niya pa gustong iparanas ang mga iyon sa mga magulang pero dahil sapat lamang ang kinikita niya para sa mga pangangailangan nila. Bago pa man siya malungkot ay ngumiti siya dahil alam niyang ngayon ay kayang kaya niya nang ibigay ang mga iyon!

Nagulat sila dahil napakaraming tao. "Malamang mga manghihingi ng balato yang mga yan," iiling iling na sabi ni Pining. "Iba rin talaga kumalat ang tsismis sa barangay natin ano?" Pagpapatuloy niya pa. Bago niya binuksan ang pinto ay kinuha niya ang mga shopping bags na nasa backseat. Excited na excited siyang ipakita sa ina ang mga binili nilang magkapatid.

Halos hindi siya makalabas nang maayos sa sasakyan sa dami ng bitbit pero masayang masaya pa rin siya. Ngunit ang ngiti niya ay mabilis na napalis nang gumilid ang mga taong nakaharang sa harap ng bahay nila. May nakita siyang kulay lilang kurtina sa loob at mga kakaibang ilaw. Bigla siyang kinabahan. Halos ayaw niyang humakbang papalapit sa bahay. Bumungad ang kaniyang tiyahin sa pinto ng bahay. Mugto ang mga mata nito. "Wala na ang Itay mo."

Nanginginig man ang kanyang tuhod ay nagawa niyang lumapit sa puting kahon na kinalalagakan ng mga labi ng kanyang ama. Hindi pa rin siya makapaniwala. "Tay, bangon ka na, may bago kang sapatos o. Binilhan din kita ng bagong selpon para naman lagi tayong magka-video call. Bumili rin ako ng bagong polo. Sigurado ako kasyang kasya to sayo," pinahid niya ang luhang humaharang sa kanyang mga mata. "Bukas, pupunta tayo sa Antipolo. May binili akong lupa doon. Patatayuan natin ng magarang bahay. Malawak din yung lupa kaya makakapaglakad-lakad ka doon tuwing umaga. Sasamahan kita. Sabi ko naman sa iyo, tatakbo tayo ulit, diba? Bibili rin tayo ng running shoes. Yung pareho tayo. Tay, bangon ka na, ang daya mo naman eh. Bumili na rin ako ng gamot mo. Gagaling ka na, kasi may pambili na tayo ng gamot," hindi niya na makayanan pang tumayo sa panlulumo. Umiiyak na rin ang tiyahin niyang kapatid ng kanyang ama. Inalalayan siya nito na makaupo.

"Tiyang, ano po'ng nangyari? Bakit nagkaganito? Bakit ang bilis naman po?" Nagugulumihanan, sunod-sunod ang tanong ni Pining. "Pumunta si Miling sa ospital para bantayan ang Inay mo," sinimulan nang magpaliwanag ng kaniyang tiyahin. Kumunot ang kaniyang noo. "Nakaalitan pala ng Inay mo yung may-ari ng nilalabhan niya kaninang umaga. Nagkasagutan sila at nauwi sa sabunutan. Natumba ang Inay mo, tumama ang ulo sa semento at dahil sa lakas ng pagkakatulak sa kanya ay hinimatay ito. Nakita ng Itay mo at sa kabiglaanan ay inatake sa puso. Matagal bago nakaresponde ang barangay. Dead on arrival ang itay mo. Ang Inay mo naman ay inoobserbahan pa sa ospital ngayon, hindi pa rin nakakausap," mahabang paliwanag nito.


Pinagkunan

Tinawagan niya ang kapatid para alamin ang kalagayan ng kaniyang ina. Nag-aalala rin siya rito dahil malamang ay magulo rin ang isip nito ngayon. Dapat ay hindi muna ito pinapunta ng ospital. Sana ay hinayaan muna ito ng tiyahin na sumilip sa ama. "Miling, nasaan ka na? Kamusta ang kalagayan ni Inay?" "Nasa biyahe pa lang ako ate," halata sa boses nito na umiiyak ito habang nagmamaneho. "Malayo ka na ba? Bumalik ka muna rito. Sasamahan kita para sabay na tayong dumalaw kay Inay," punong-puno ng pag-aalala at pagkahabag ang nararamdaman niya sa kapatid. "Ewan ko ate. Hindi ko alam kung nasaan na ako. Ate, ano'ng nangyayari? Bakit ganoon?" Isang nakasisilaw na liwanag ang nakita ni Miling, kinabig niya pakaliwa ang manibela at naputol na ang linya.

Sinubukan ulit tawagan ni Pining ang kapatid pero out of reach na ito. "Pining, yung kapatid mo! Siya yata yung nabangga noong trailer na sumemplang doon sa highway!" Parang binuhusan ng malamig na tubig si Pining sa narinig. Ano ba'ng nangyayari? Si Inay. Si Itay. Ngayon, si Miling naman? Hindi ko na yata kaya. Lahat sila. Parang biglang sumikip ang kinapupuwestuhan niya. Parang nawala ang lahat ng mga dingding. Puro puti na lang ang nakikita niya. Nakita niya ang kanyang ama, tinatawag siya pero papalayo ito nang papalayo. Gayon din ang kanyang ina. Tinawag din siya ng kapatid nya. Pagkatapos ay puro puting liwanag na lamang. Iyon lamang at nawalan na siya ng malay.

RRRRRIIIIIIIINNNNNNGGGGGGGG!!!


Pinagkunan

Nagmulat siya ng mata. Nasa loob siya ng kuwarto nilang magkapatid.

"Ate, tara na, tumaya na tayo! May pakiramdam akong mananalo tayo ngayon."

Napabalikwas siya nang marinig ang boses ng kapatid. Nakasuot na ito ng uniporme. Sabay sila palagi pumapasok sa umaga. "Maligo ka na at magbihis, male-late pa ako niyan pag babagal-bagal ka," hinatak nito ang kumot at inilayo ang alarm clock. Bumangon siya agad para yakapin ang kapatid. Panaginip lang!

Iyon ang inabutang eksena ni Aling Caring. Napangiti ito. Nakita ni Pining ang ina. Lumapit siya rito at niyakap din ito nang mahigpit. "Ano ba'ng nangyayari sa iyong bata ka?" nagtataka man ay yumakap na rin ito. Lumabas ng kwarto si Pining at pinuntahan ang ama na nakadungaw sa bintana. Niyakap niya rin ito. "Mahal na mahal kita, Tay. Hamo, gagaling ka at magtatakbuhan ulit tayo ha. Papasyal tayo. Tayong lahat," humalik pa siya sa noo nito at lumingon sa ina at kapatid. "Kuuuu ate, gutom lang yan. Kumain ka na at male-late na tayo! Tsaka magsuklay ka nga muna bago ka magdrama. Di bagay eh," natawa na lang siya sa kapatid.


Pinagkunan

Magana siyang nag-almusal kasabay ang ina na sinusubuan ang kanyang ama ng pagkain, at ang kapatid na kahit napakalakas mang-asar ay mahal na mahal niya. Napangiti siya. Hindi niya kailangan ng malaking halaga para masabing mayaman siya. Oo, kailangan niya ng pera para sa mga pangangailangan niya, pero sapat na sa kanya ang makitang buo ang kaniyang pamilya. Ang kaniyang inspirasyon. Ang kaniyang buhay. Ang kanyang yaman.

♥.•:¨¨:•.♥.•::•.♥.•:¨¨*:•.♥

♥.•:¨Maraming salamat sa pagbabasa!¨:•.♥

»»-------------¤-------------««

Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan

»»-------------¤-------------««

Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord

»»-------------¤-------------««

image

QmTbmcA6YxRqpDvTuGs3Vt3CDkjvdJoNZwB4CxeGZEZeEA.jpeg

romeskie.png

Sort:  

Sana pag gising ko mayaman na din ako, pupuntahan ko talaga kayo ni @twotripleow at bibisitahin.

Haha. Pasyal tayo tsaka food trip
Balatuhan mo na rin kami ni ng house and lot. Hahaha

Isama mo na mga tropa mo na sina; Kaya Chan, Thor Jack Anne, Chula Anne haha.


Ibinahagi ang lathalang ito sa #pilipinas channel para sa mga curator ng Curation Collective Discord Community, binigyan ng upvote at ni-resteem ng @c-squared na account pagkatapos ng manu-manong pagsusuri.
This post was shared in the #pilipinas channel in the Curation Collective Discord community for curators, and upvoted and resteemed by the @c-squared community account after manual review.

Rome, ang ganda ng daloy ng kuwento. Saktong sakto sa tema ng pakontes mo. Kung ano ang rurok ng emosyon at timpla ng kuwento nang manalo si Pining ng jackpot, ay yaon din naman ang lalim ng bagsak. Ano ang inspirasyon mo sa akdang ito? Good job :)

Thanks @jazzhero. Nakaka-engganyo kasi yung jackpot ngayon sa lotto. Haha.

hay grabe naman itong kwento
napipigil ang hininga ko eh

This comment was made from https://ulogs.org

Hehehe. Sabi sayo panay drama mga pinagsususulat ko netong mga nakaraang panahon eh. Hahaha

Coin Marketplace

STEEM 0.26
TRX 0.11
JST 0.033
BTC 64266.94
ETH 3077.24
USDT 1.00
SBD 3.87