Sukob | Kathang Isip

in #tagalogtrail6 years ago (edited)

cameff_1536915153240.png

Maalinsangan ang paligid. Kasisikat pa lamang ng haring araw ngunit tila ba ito nahihiya sa bahagyang pagkukubli nito sa makakapal na ulap. Tumingala si Dollie para tantiyahin ang ang nagbabadyang ulan. Mukhang malakas-lakas ito. Pero tingin ko ay saglit lang iyan. Kita ko pa rin ang liwanag ng araw. May gumuhit na ngiti sa sa maputla niyang labi nang maalala ang laging linya ng kanyang ama. "In every cloud, there's a silver lining." Noong hindi pa ito ginugupo ng matinding karamdaman ay bakas na bakas sa kislap ng mga mata nito ang positibo nitong pananaw sa buhay. Kahit sa huling mga sandali nito ay isang matamis na ngiti ang iniwan nitong alaala sa kanya na wari ba ay nagsasabing naging masaya siya sa buhay na tinahak niya.

Yumukod si Dollie para isintas ang kulay itim niyang high cut na chuck taylor. Wash day ngayon sa eskwela kaya pwede siyang magsuot ng kaswal na kasuotan. At talaga namang kaswal na kaswal lamang ang pananamit niya ngayon. Kulay puting T-shirt na may disenyong bilog na simbolo ng kapayapaan sa gitnang harapan, maong na pantalon na pinaputulan niya sa mananahi noong makalawa dahil lahat ng nabibili niyang pantalon ay lampas sa kaniya, at backpack na kulay berde na siyang naglalaman ng kaniyang mga kakailanganin ngayong araw.

Pinalaki siya ng kaniyang ama na laging handa sa kahit na anong bagay. Kaya nakasanayan niya nang bago matulog sa gabi ay isinasalansan niya na ang mga gamit niya sa bag pati na rin ang isusuot niya kinabukasa. Notebook, aklat, mga proyektong ipapasa, ballpen, papel, payong, bimpo, at ngayong panahon ng teknolohiya, cellphone at charger.

Nang makuntento sa pagkakaayos mg sintas ay tumayo na siya at ikinandado na ang pinto ng kanilang bahay. Ilang taon na rin ang nakalipas mula nang pumanaw ang kaniyang ama at nakasanayan niya na ang pag-iisa. Kahit pinipilit pa siya ng mga ate niyang may sari-sarili nang pamilya na sumama sa kanila ay mas gusto niyang dito na lang manirahan. At hindi naman siya talagang mag-isa. Nariyan ang kaniyang Tiya Berta na isang matandang dalaga.

Tinahak niya na ang pamilyar na daan papunta sa sakayan. Habang nasa jeep ay napansin niyang tuluyan na ngang nilamon ng ulap ang liwanag ng araw. Sana mamaya ka na pumatak, pag nasa school na ako, please. Ayaw niyang nababasa ang sapatos niya kaya kung uulan ay gusto niyang prente na siyang nakaupo sa loob ng silid-aralan. Tila naman dinidinig ng langit ang kaniyang pakiusap. Isang sakay ang layo ng kanilang bahay papunta sa pinapasukang unibersidad ngunit bago siya makarating dito ay maglalakad muna siya nang may kahabaan mula sa babaan.

"Para po!" May mga pagkakataong kakailanganin niya pang sumigaw nang makatatlong beses bago siya marinig ng drayber. Habang naglalakad ay biglang bumuhos ang napakalakas na ulan na parang gripong binuksan nang todo agad-agad. Walang kahit na anong babala, walang maliliit na patak, sabay-sabay na malalaking patak ng ulan ang kaagad na humalik sa kaniyang buhok na pinaghirapan niyang i-blower bago umalis.

Dali-daling binuksan ni Dollie ang kaniyang bag at saka dinukot ang kaniyang payong. Tila ba may sariling utak ang kaniyang kamay, hindi niya na kailangan pang silipin kung saan ito inilagay dahil alam niyang sa kaliwang parte ng bag ito nakasuksok. Ngunit nagitla siya nang madismaya ang kaniyang kamay sa kawalang naapuhap nito. Mabilis siyang nagpalinga-linga sa buong paligid at naghahanap ng masisilungan. Ngunit tila ba siya pinagdadamutan ng kapalaran, nasa open parking pa lang siya ng mall na dinadaanan niya!

Hindi na rin siya makakita nang maayos dahil ang antiparang nagbibigay linaw sa malabo niyang mundo ay unti unti na ring nanlalabo dahil sa pagkakabasa. Pero hindi siya nawalan ng pag-asa. Naalala niyang may madadaanan siyang kainan kapag nagpatuloy pa siya sa paglalakad. Sa sitwasyon niya ngayon ay wala rin naman siyang ibang maaaring gawin kundi ang ipagpatuloy ang paglalakad hanggang sa makakita ng masisilungan o makarating sa eskwelahan.

Lakad-takbo ang kaniyang ginagawa. Parang napakalayo naman ata nung kainan! Nayayamot na siya. Basang basa na ang kaniyang buhok at mangangalahati na ng kaniyang T-Shirt ay basa na rin. Napipiga ang kaniyang medyas sa bawat pagtapak ng kaniyang sapatos sa aspalto. Nakayuko siya habang yakap ang bag para hindi ito mabasa kahit papaano.

Walang anu-ano ay biglang tumigil ang paglalapastangan ng mga patak ng ulan sa kaniyang ulo at balikat. Ang kaniyang pagkayamot ay napalitan ng pagtataka. Tumingala siya at napausal ng maikling pasasalamat sa mga anghel at kalangitan nang makita ang bulaklaking pink na payong na ngayon ay nagsisilbing tanggulan niya sa mapang-aping ulan.

"Basang-basa ka na. Dapat lagi kang may dalang payong." Napalingon siya para hanapin ang nagmamay-ari ng baritonong boses na nakuha pa siyang asarin sa gitna ng kaniyang kalagayan. Handa na ang kaniyang pinakamalditang mga linyang itinatago-tago niya para ilabas sa mga okasyong katulad nito. Pero natigilan siya nang makita ang mapupulang labing nakangiti sa kaniya. Si Jason!

Sino si Jason? Siya lang naman ang tanging lalaking nagpatibok ng pihikan niyang puso. Ang kaklase nilang napakamisteryoso dahil tahimik at hindi nakikihalubilo. Di tulad ng iba nilang kaklase, masipag ito at matalino. Kitang kita rin naman na maginoo ito. Salamat na lamang sa ulan at nagkaroon siya ng pagkakataon na makausap ito. Salamat na lamang sa ulan at nakita niya nang malapitan ang matamis na ngiti nito.

Hanggang eskwelahan ay isinukob siya nito sa kaniyang munting payong. "Salamat sa pink na bulaklakin mong payong," parang sobrang lapit na nila sa isa't isa matapos ang ilang sandaling pagkakadikit ng kanilang mga braso habang kinakanlong ng abang panangga sa ulan. Napangiti ulit ito na siyang naghatid ng isanlibo't isang kiliti sa kaibuturan ng kaniyang puso. "Hehe. Salamat sa iyo, kahit papaano ay hindi na ako pinagtitinginan dahil sa payong ng kapatid ko."

Nagpaalam na siya para magpatuyo ng mga nabasa niyang gamit sa CR. Totoo nga 'Pa, in every cloud, there's a silver lining."

♥.•:¨¨:•.♥.•::•.♥.•:¨¨*:•.♥

♥.•:¨Maraming salamat sa pagbabasa!¨:•.♥

»»-------------¤-------------««

Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan

»»-------------¤-------------««

Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord

»»-------------¤-------------««

image

QmTbmcA6YxRqpDvTuGs3Vt3CDkjvdJoNZwB4CxeGZEZeEA.jpeg

romeskie.png

Sort:  

Bihira na lamang ako makabasa ng ganitong katha ngayon. 👏👏👏Pinapaalala mo sakin kung bakit nung labinisang taong gulang pa lamang ako ay isinulat ko sa Filipino ang aking unang nobela - mayaman sa ganda ang ating wika. Sana mas marami pa ang gumamit nito upang ito'y ating pagyamanin.

Nagsusulat ka rin pala? Naku, ishare mo ang mga gawa mo dito. Sure ako magugustuhan iyan ng mga taga tambayan. Nabasa ko na ang Katha sa Gabi mo. Ang ganda!

Makigulo ka sa mga katropa dito sa Tambayan ng Tropa ni Toto.

Sali ka sa tagalogserye. Naghahanap pa kami ng manunulat.

Maraming salamat po. 😊 Nagsimula sa mga simpleng tula nung bata pa ako tapos hanggang gumawa ng nobela nung hayskul (inspired sa lovelife, maharot na bata hahahaha). Sayang nga lang at sinunog ko yun nung nabroken heart. 😅 Nagba-blog din ako pero mas focused ako sa paggawa ng book reviews. Kaya naisip kong magshare dito para sana makakuha ng feedback at criticism para mas mapagbuti pa ang aking pagsusulat. I have to admit though na mas nasanay ako magsulat sa English pero pinag-aaralan ko ulit ang pagsusulat sa Filipino. Salamat po ulit sa pag-imbita. Will surely join you sa Tambayan. 😊

Coin Marketplace

STEEM 0.25
TRX 0.11
JST 0.032
BTC 61830.08
ETH 2986.99
USDT 1.00
SBD 3.73