Ikaw na pala!

in #pilipino6 years ago (edited)

image

Broken

Napangiti ako... Sabi na nga ba, hinihintay mo pa rin ako. Napalundag ata ang puso ko nang makita kang naghihintay sa labas ng opisina. Hindi mo rin talaga ako matitiis. Bumalik ka pa rin! Sabi na nga eh!

Halos maluha-luha ako habang pinagmamasdan ka. Akala ko talaga mawawala ka na.

Naalala mo ba yung pinakamatinding tampuhan nating dalawa? Iyong araw na sinabi mong suko ka na? Lahat naman madadaan sa usapan ah? Bakit agad-agad sumuko ka? Sabi mo walang iba? Talaga lang pagod ka na.

Pinilit ko pa ring kumbinsihin ka. Huwag naman sana nating itapon lahat-lahat ng ganun na lang. Pwede bang isang pagkakataon pa? Pagbigyan mo naman ako. Pangako, ito'y huli na. Babaguhin ko ang lahat para sa'yo. Ang masamang ugali ko. Hindi na kita hihigpitan kung nasasakal ka. Hindi na kita pipilitin sa mga bagay na hindi mo gusto. Para mo nang awa, magsimula ulit tayong dalawa.

Ngunit sadyang ika'y matigas. Ramdam ko ang panlalamig mo at kawalan ng gana sa ating dalawa. Ano ba talagang mali ko bukod sa mahalin ka ng totoo? Paano mo ako gustong pagsimulain ulit? Lahat ng pangarap ko sa buhay kasama ka. Pangarap kong sa itinakda ng Panginoon, araw at gabi ikaw ang katabi. Paano ako magsisimula ng bagong buhay kung mawawala ka sa akin?

Bale-wala sayo ang aking mga luha. Para kang isang bato na hindi natinag ng kahit anong kalungkutan. Buo na ang pasya mo diba? Wala nang magbabago pa. Kung ganoon, sige. Malaya ka na.

H'wag mo na akong iisipin. Magiging maayos din ang lahat sa akin. Makakahanap din ako ng isang taong mamahalin ako, tulad ng pagmamahal ko sayo. Sige na. Humayo ka.

Sa loob ng dalawang buwan, pinipilit ko pa rin na alisin ka sa isip ko. Ako rin ang nasasaktan. Lalo lang akong nahihirapan. Pinpilit ko pa din. Hwag kang mag-alala.

Hindi na pala kailangan! Dahil bumalik ka! And'yan ka na!

Nakapagdesisyon na ako... Paglabas ko, pag and'yan na ko sa tapat mo, yayakapin kita! Iyong mahigpit. Yun bang parang walang bukas! Pasensya na! Alam ko maaring masaktan ka sa higpit ng yakap ko. Pero wala kang magagawa. Sabik na talaga kong makita at mayakap ka.

Heto na lalapit na ako. Mabuti na lamang at nakapagpaganda pa din ako bago lumabas ng opisina. Haaay! Kumusta ka na kaya?!

Marahil pagkatapos ng tagpong ito, sasabihin mo sa aking nagkamali kang iniwan mo ako. Napagtanto mong hindi mo pala kayang mawala ako. At ako lang ang babaeng nagpaibig sa iyo ng ganito. Pagkatapos noo'y luluhod ka sa harapan ko at... at...

Halos gusto ko na liparin ang kinaroroonan mo pero tiniis ko! Kunwari hindi ko alam na naghihintay ka. Magugulat din ako dapat diba?!!

Ngunit talaga nga palang nakakagulat!

Bago pa man ako mamapunta sa kinaroroonan mo, may isang babaeng lumapit sa iyo mula sa iyong likuran. Kapagdaka'y niyakap ka niya mula sa kanyang kinatatayuan.

Bigla kang humarap sa kanya at dagling hinalikan mo pa ang mga labi niya!

Para akong itinulos na kandilang tila nauupos sa king nakita... Siya na ba?

Hindi ko maialis ang aking tingin sa inyong dalawa. Naglalakad na kayo palayo. Habang ang luha ko'y tuluyan nang nakawala at umagos paibaba.

Walang pumapasok sa aking isipan. Ngunit dinig na dinig ko ang aking puso na humihiyaw sa sakit. 'Mahal! Sandali! Bakit ka aalis? Bakit mo ako pinagpalit? Ale! Iyong lalaking hinalikan mo at niyakap. Akin sya! Ang mga kamay na iyon na sayo'y umaakay, hindi ba't kailan lang ay ang mga kamay ko ang hawak? Akala ko'y ako pa... Ikaw na pala.
'

Sort:  

Steem On.
Nice story:)

Take some imaginary @teardrops (Smart Media Tokens)

Ahaha. Utas baga?

Coin Marketplace

STEEM 0.27
TRX 0.11
JST 0.030
BTC 70906.64
ETH 3802.96
USDT 1.00
SBD 3.45