Kusina ni Nanay Romeskie | Chopsuey

in #steemph6 years ago

image

Magandang araw! Masama pa rin ang pakiramdam ng nanay pero siyempre, kailangan pa rin kumilos sa bahay para may pagkaing kakainin, may damit na susuutin, may malinis na kapaligiran at siyempre may mga laruang guguluhin ang aking munting binibini.

Ang tampok sa Kusina ni Nanay Romeskie ngayon ay Chop Suey. Sinubukan kong maghanap ng trivia tungkol sa putaheng ito pero napag-alaman ko na pinagtatalunan pa pala nila kung ang irohinal na pinagmulan nito ay intsik o amerikano. Ayokong makasali sa pag-aagawang ito kaya hindi na lang ako maglalagay ng trivia. Magluto na lang tayo.

image

Mga sangkap:

  1. Baboy
    Maliliit ang pagkakahiwa. Pwede rin namang manok ang gamitin kaya lang hindi ganoon katalas ang kustilyo namin para makahiwa ng buto ng manok.
    image

  2. Sibuyas at bawang
    Maliliit lamang ang pagkakahiwa

  3. Green at red bell pepper
    Hiwain nang maliliit na parisukat
    image

  4. Repolyo
    Basta mahiwa mo siya nang katamtamang laki lang, ayos na yun. Medyo labo-labo ang gulay na ito kaya siguraduhin mo na lang na hindi mo isinama yung pinakagitnang parte. Matigas yun. Di yun masarap.

  5. Green beans
    Hiwain nang pa-slant, mga kalahating pulgada ang taba ng bawat isang hiwa.
    image

  6. Hilaw na papaya
    Kadalasab ay sayite ang ginagamit. Pero wala ako nun (itinanim ko na) at hindi rin naman umangal yung hilaw na papaya nang isinama ko siya sa mga gulay ng chop suey kaya pwede na rin.

  7. Carrots
    Pwedeng hiwain nang pabilog o may disenyo. Kung marunong kang gumawa ng parang bulaklak, pwede rin naman. Hiniwa ko nang pahaba ang carrots ko. Ayoko nang mastress pa kasusubok mag disenyo ng kerots.
    image
    Pwedeng may cauliflower at young corn pero wala nito sa talipapa at medyo may katandaan na yung young corn kaya hindi ko na binili.

  8. Toyo
    Dalawang kutsara lamang. Pampalasa lang.

  9. Tubig
    Isa't kalahating tasa

  10. Harina
    Isang kutsara, pampalapot.

  11. Asin at paminta

Paraan ng pagluluto

  1. Igisa ang sibuyas at bawang sa mainit na mantika
  2. Isunod ang mga bell pepper. Sangkustahing maigi.
  3. Ilagay ang baboy sa sinangkutsang mga sangkap.haluing maigi para kumapit ang lasa sa baboy. Hayaang lumampong ang linamnam sa bawat gilid ng baboy.
  4. Kapag mamuti-muti na ito ay pwede nang idagdag ang tubig. Lagyan ng asin at paminta. Takpan at hayaang kumulo. Hinaan lamang ang apoy para dahan-dahan lang ang pagkulo.
  5. Kapag kumulo na ay ilagay ang paoaya at carrots. Hayaan nang ilang minuto para lumambot.
  6. Isunod ang green beans.
  7. Kapag luntiang luntian na ang kulay ng green beans ay idagdag na ang repolyo.
  8. Haluing maigi para magsama-sama ang mga kulay ng gulay. Kailangang ma-attach sila sa isa't isa.
  9. Lagyan ng dalawang kutsarang toyo. Haluing maigi at tikman. Maaari mo pang dagdagan ng asin o toyo ayon sa iyong panlasa.
  10. Kapag kuntento ka na sa pagtikim, ilagay na ang harina. Haluing maigi.

At luto na ang ating Chop Suey!

Komento ng mga Hurado

Nanay Romeskie: Malinamnam!
Tatay Ritsard: Masarap. Kulang lang sa alat. Pero masarap. (Na sinagot ko ng "Hindi pwedeng masyadong maalat! Masama iyon sa kalusugan!")
Aya: Tatlo o apat na subo lang ng kanin ang kinain. Dalawa lang iyan. Nagda-diet na naman ang anak ko o kulang nga yata talaga sa alat. Hehe

Pwede ko namang subukan ulit magluto nito. Sa susunod na linggo ito ulit ang gulay day ulam namin. Uulit-ulitin ko itong lutuin hanggang sa manawa sila o maperpekto ko ang lasa. Alinman sa dalawa ang mauna.

Ganoon talaga sa Kusina ni Nanay Romeskie. Ang panimpla ay ala tsamba. Pero sigurado namang may halong pagmamahal ang bawat pagtimpla.

Hanggang sa susunod na putahe!

♥.•:¨¨:•.♥.•::•.♥.•:¨¨*:•.♥

♥.•:¨Maraming salamat sa pagbabasa!¨:•.♥

»»-------------¤-------------««

Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan

»»-------------¤-------------««

Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord

»»-------------¤-------------««

image

QmTbmcA6YxRqpDvTuGs3Vt3CDkjvdJoNZwB4CxeGZEZeEA.jpeg

romeskie.png

Coin Marketplace

STEEM 0.30
TRX 0.12
JST 0.033
BTC 64093.86
ETH 3123.80
USDT 1.00
SBD 3.94