Si Mabalasik at si Mahinahon | Maikling Kwento

in #steemph6 years ago

Noong unang panahon ay may dalawang diwatang tagapagbantay ng kalikasan. Si Mahinahon ay isang napakabait at napakabuting diwata. Mahal niya ang mga tao at naniniwala siya sa buti ng kalooban ng mga ito. Madalas ay nakikihalubilo siya sa mga tao. Nagbibigay siya malumanay na pagaspas ng hangin na siyang ikinatutuwa ng mga ito kapag naglalaro ng saranggola. Minsan naman ay naghahatid siya ng banayad na hampas ng alon sa dalampasigan na tila ay nakikipaglaro sa mga kabataan. Si Mabalasik naman ay siyang kabaligtaran ni Mahinahon. Sa tuwina ay iniisip niyang hindi karapat-dapat na binigyan ng kaalaman ang tao dahil ang mga ito aniya ay hindi mapagkakatiwalaan. Magkaganoon pa man ay parehong mahal ng dalawang diwata ang Inang Kalikasan na sa tuwina ay nagpapaalala sa kanila na lahat ay pantay-pantay sa mundo.

Lahat ng naninirahan dito ay may kaniya-kaniyang karapatan at may karampatang pananagutan. "Kayong dalawa ay nariyan upang panatilihin ang balanse sa ating mundong ginagalawan," sa tuwina ay paalaala ng Inang Kalikasan kay Mahinahon at Mabalasik.

image
Pinagkunan

Nang mga panahong iyon ay namumuhay nang matiwasay at mapayapa ang lahat ng tao, hayop at halaman. Isang araw ay nagkaroon ng di inaasahang bisita ang mga tao.Ang Industriyalisasyon at Progreso. May dala itong mga makabagong kagamitan at kasangkapan. Nagustuhan ng mga tao ang mga regalo ng mga ito. Hindi nila alintana na ang mga bagay na ito ay maka-aapekto sa kalikasan.

image
Pinagkunan

Nagalit si Mabalasik sa kalapastanganan ng tao. Nagpakawala siya ng nakaririnding kulog at kidlat. Bago pa man maging huli ang lahat ay pinayapa ni Mahinahon ang kalooban ng diwata. "Hayaan mo sila, sigurado akong may sapat nang isip ang mga tao para malaman nila ang tama at mali."

Ngunit nagkamali ng iniisip si Mahinahon. Pinabayaan ng tao ang kalikasan. Pinutol ang mga puno para palitan ng nagtataasang mga gusali. Pinatag ang kabundukan at itinambak sa dagat ang mga lupa para lamang makapagtayo ng mga pabrika. Ang mga dumi at kalat ay hinayaan lamang na dumaloy sa mga ilog at kanal. Tinalikuran nila ang Kalilasan. Nang dahil lamang sa pangako ng Progreso.

image
Pinagkunan

Unti-unting umitim ang tubig sa ilog. Naglikasan ang mga isdang nalalason sa polusyon. Ang mga hayop sa gubat ay nauubos dahil nawawalan na sila ng tirahan. Ang mga huni ng ibon ay napalitan ng ingay ng mga sasakyan at mga makabagong teknolohiya. Labis itong ikinalungkot ni Mahinahon. Nang dahil sa kalungkutang kanyang nadarama ay ngkaroon siya ng sakit. Dala na rin ng pagod sa pagtatangkang paglinis at pag-ayos sa lahat ng winawasak ng Progreso at Industriyalisasyon. Minabuti ni Mabalasik na pagpahingahin ang kasamabg diwatang lihim niyang iniibig. "Magpahinga ka na, ako na muna ang bahala sa Kalikasan," buong pag-aalala at lambing na bulong ni Mabalasik kay Mahinahon.
"Hayaan mo ang mga tao na maisip nila ang kamalian nila. Alam ko na sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay may natitira pa silang pagmamahal sa Inang Kalikasan," habilin ni Mahinahon. Alam niyang mahirap ang pakiusap niya para kay Mabalasik pero nagtitiwala siyang pakikinggan siya nito.

image
Pinagkunan

Makalipas ang ilang sandali ay minabuti na ni Mahinahon na bumangon at silipin ang kalagayan ng Mundo. Ang Isang oras sa mundi ng diwata ay katumbas ng limampung taon sa mundo kaya laking gulat niya nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng Kalikasan. Tuluyan nang nangitim ang mga ilog. Wala nang mga isda. Karamihan ng mga ibon ay nangamatay na. Nauubos na rin ang mga hayop sa gubat. Hindi mapapantayan ang sakit sa kalooban ni Mahinahon.

image
Pinagkunan

Wala nang bahid ng sigla ang mukha ng diwata. Napakalaki ng pagkadismaya niya sa mga tao. Hindi niya akalain na maghahari ang ganid at kasakiman sa mga puso ng mga ito. Nawalan ang mga ito ng kakuntentuhan. Nang hindi na matiis ni Mabalasik ang nakikitang pighati sa iniibig ay nagpaalam ito na susubukang linisin ang mundo sa pamamaraang alam niya. Hindi nagsalita si Mahinahon. Tumingin lamang ito kay Mabalasik at saka lumuha nang buong pagtangis. Niyakap siya ng lalaking diwata, "Magpahinga ka na, Mahal ko. Labis na ang iyong pighati. Tuturuan ko ng leksiyon ang mga tao nang sa gatin ay muli silang manumbalik sa Kalikasan."

image
Pinagkunan

Tumango si Mahinahon at sa isang iglap ay nagpakawala ng sunod-sunod na sakuna si Mabalasik. Mga mapaminsalang lindol, nagtataasang tsunami, nagngangalit na tagtuyot, at walang humpay na mga bagyo na nagdulot ng matitinding baha. Bawat isa ay sinusundan ng mas malakas pang delubyo.

Hindi mawari ng tao kung paano nilang malulusutan ang mga nagaganap. Napaisip sila sa lahat ng kanilang mga ginawa. May mga nagbalik-loob sa kalikasan ngunit mayroon pa ring pinaghaharian ng kasakiman, karamutan, pagkamakasarili at kayabangan.

Ngunit kahit paisa-isa ay nakakakita ng tuwa kay Mahinahon sa tuwing may nakikita siyang taong namumulat sa tamang paraan ng pamumuhay. Sa ngayon ay hinahayaan niya pa rin sa Mabalasik na turuan ng leksiyon ang mga tao. Masasabing titigil lamang si Mabalasik kapag nakita niya nang tuluyan nang sumiglang muli si Mahinahon.

image
Pinagkunan

Ikaw, anak? Kailan ka mamumulat? Halina at sama-sama nating panumbalikin ang sigla ni Mahinahon.


Ang akdang ito ay mula sa imahinasyon ng may-akda. Isa itong panawagan sa lahat ng mga nakauunawang nilalang. Hindi pa huli ang lahat para sa kalikasan. Matagal bago makita ang resulta ng mga gagawin nating hakbang tungo sa pagbabago pero kung tutuusin ay matagal din naman bago tuluyang nasira ng tao ang kalikasan. Simulan na natin ang pagbabago. Para na rin sa mga kabataan ng mga susunod na henerasyon.


Maraming salamat sa pagbabasa!


Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan


Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord


2123526103.gif

QmTbmcA6YxRqpDvTuGs3Vt3CDkjvdJoNZwB4CxeGZEZeEA.jpeg

romeskie.png

Sort:  


trail.png

See your post featured here by @johnpd on today's Monday Short Stories & Poetry, a community curation initiative by @SteemPh.

If you would like to support the Steemit Philippines community, please follow @SteemPh.Trail on SteemAuto.

Coin Marketplace

STEEM 0.31
TRX 0.12
JST 0.033
BTC 64341.19
ETH 3145.13
USDT 1.00
SBD 4.00