Simple lang.

in #writing6 years ago

image

Wala ka naman hiniling noon kundi simpleng buhay.

Buhay bukid. Dun ka sanay eh. Masaya nang may makain sa araw-araw basta magkakasama kayong pamilya, buo walang lumayo, walang nag-iisa.

Iyong simpleng buhay na alam mo noon, kung bakit habang nagkakaedad ka, nadedeskubre mong komplikado pala.

Pangarap lang pala iyong walang iisipin sa araw- araw kundi ang magsaya, maglaro, makipag-away sa mga kababata, kumain at matulog sa gabi.

Noong bata ka, iyon lang ang iyong alam gawin, pero bakit ba sabik na sabik kang tumanda na? Sabik kang matutong mag-isa. Yun bang walang makikialam na ama't ina. Sabik kang magtrabaho, sumweldo at mabili ang mga bagay na gustong gusto mo ngunit hindi maibigay ng iyong mga magulang dahil sa hirap ng buhay, pero masaya. Sabay kayong nangarap ng mga kapatid mo na makapagtrabaho para makabili ng kendi at Jollibee. Ang simple lang naman diba?

Ngunit naalala mo ba ang mga bilin ng iyong ama't ina habang lumalaki ka? Ikaw ang magtataguyod sa mga kapatid mo dahil ikaw ang pinakamatanda. "Mag-aral ka ng maayos dahil ikaw ang mag-aahon sa atin sa hirap." Nararamdaman mo na ba? Ang bigat diba? Kaya mo ba? Kaya naman diba? Madali lang yon. Mag-aaral lang pala eh.

Kita mo ba ang ngiti sa labi nila? Taun-taon may uwi kang parangal. Bar pin, sertipiko at medalya. Masaya ang nanay mo tuwing umaakyat sya sa entablado at sasabitan ka. Kahit hindi pumupunta ang iyong ama, alam mong masaya din sya. Eh ikaw, bakit hindi ka pa masaya? Ah, wala pang pera? Hayaan mo, malapit na.

Nakapagtapos ka ng kursong pagkaguro. Nakatapos ka kahit hindi iyan ang ibig mong karera. Huling akyat mo na sa entablado. Tapos na din ang yugto ng buhay-estudyante mo. Makakapgtrabaho ka na. Madali na! Yayaman ka na!

Mali pala.

Pitong taon ang lumipas mula ng magtapos ka sa iyong mahal na dalubhasaan. Pitong taon na din nang magsimula kang magtrabaho. Pitong taon na din ang pakikipagkompitensya mo sa mundo. Ano na nga bang nangyari sa buhay mo?

Bakit ba habang tumatagal, mukhang lalong bumibigat at humihirap yata?

Napagtanto mo habang tumatagal na ang buhay ay hindi lamang tungkol sa pambili ng kendi at Jollibee. Mas tungkol ito sa pagkita ng pera para sa bayarin na tubig at kuryente at pambili ng pagkain sa araw-araw, syempre.

Mali ka pala nung gustuhim mo pang tumanda.

Napagtanto mong mas masarap pa rin palang maging bata.

Walang hirap, walang komplikasyon.

Simple lang.

Nasaan na nga ba iyong simpleng bubay na hanap mo?

Mukhang malayo pa ang takbo mo upang marating ito.

Simpleng buhay lang naman.

Kaya pa yan.

Sort:  

tuloy tuloy lang ang takbo
bumangon pag nadapa, magpahinga kung napagod
paminsan-minsan ay huminto upang namnamin ang ganda ng kapaligiran
ang mahalaga ay walang maapakan, walang masasagasaan
kung kayang tulungan ang mga nadaanang nangangailangan ay tulungan
makakarating din tayo sa ating paroroonan

Kitakits sa finish line.

Tama kabayan. Hanggang sa finish line. ☺️

Coin Marketplace

STEEM 0.28
TRX 0.11
JST 0.031
BTC 68913.70
ETH 3738.36
USDT 1.00
SBD 3.68